Inihayag ng Embahada ng Pilipinas sa Doha ang paglulunsad ng Philippine Airlines (PAL) ng regular na Manila-Abu Dhabi-Doha flight nito sa Marso 28, 2016 na inaasahang higit na magpapasigla sa industriya ng turismo sa Pilipinas.

Ang nasabing ulat ay personal na natanggap ni Philippine Ambassador to Qatar Wilfredo C. Santos kay V. Sivaramakrishnan (Ram) ng GSA-Space Travel, lokal na partner ng PAL sa Doha.

Nabatid na ang mga PAL flight Manila-Abu Dhabi-Doha (PR 656) ay tuwing Lunes, Martes, Biyernes at Sabado at aalis ang eroplano sa Manila ng 12:30 ng umaga at darating ng 8:15 ng umaga sa Doha.

Habang ang Doha-Abu Dhabi-Manila flight (PR 657) ay tuwing Martes, Miyerkules, Biyernes, Sabado at Linggo, sa ganap na 10:05 ng umaga ang alis sa Doha at darating sa Manila ng susunod na araw, dakong 3:50 ng umaga.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ang PAL flights na dumarating at umaalis ay mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

“I am pleased that PAL is finally offering Doha flights which will widen the options of our kababayans going to the Philippines and Qatar. I look forward to partnering with PAL in strengthening our tourism promotion and increasing people-to-people exchanges between the Philippines and Qatar,” sabi ni Santos.

Asahan ang mga opisyal ng PAL na darating sa Qatar sa Marso 2016 upang saksihan ang paglulunsad at pagpapasinaya sa flight. - Bella Gamotea