Dumating na sa bansa kahapon ang isang overseas Filipino worker (OFW) na naaresto sa South Korea dahil sa kinahaharap nitong kaso ng panggagahasa sa kanyang pamangkin.

Todo-bantay ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Interpol Division kay Marvin Taguibao, 32, tubong Cauayan, Isabela, nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City, kahapon.

Ayon kay Atty. Daniel Daganzo, hepe ng NBI-Interpol, may nakabimbing kaso sa Bulacan si Taguibao matapos umano nitong ilang beses na halayin ang 15-taong gulang nitong pamangkin.

Matapos ang krimen, nag-apply ang suspek ng trabaho bilang construction worker sa Korea bago pa naisampa ang kasong kriminal laban sa kanya.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

At nang maglabas ang korte ng arrest warrant, agad na inilagay ang pangalan ng suspek sa watch list ng Bureau of Immigration.

Nagtatrabaho bilang pintor si Taguibao sa isang kinukumpuning gusali sa Korea nang damputin ng mga tauhan ng South Korean Interpol bago inilipat sa pangangalaga ng NBI, ayon sa ulat. - Ariel Fernandez