Ni LEO P. DIAZ

ISULAN, Sultan Kudarat— Pito katao ang namatay sa pagsalakay ng tinatayang 50 armadong lalaki sa dalawang barangay sa Maguindanao nitong madaling araw ng Disyembre 24, iniulat ng Philippine Army.

Sinabi ni Lt. Col. Ricky Bunayog, pinuno ng 33rd IB ng Army, na limang katao ang unang namatay sa pagsalakay ng mga armado, sa pamumuno ng isang Kumander Sukarno Sapal, sa Barangay Kauran, Ampatuan, Maguindanao.

Umurong ang mga suspek nang makitang paparating ang tropa ni Bunayog at tumakas patungo sa bahagi ng Barangay Banaba, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao at tinangay ang apat na sibilyan sa lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ilang oras matapos ang bakbakan ay pinakawalan ng mga umatake ang dalawang bihag habang ang dalawa pa ay natagpuan ng tropa ng pamahalaan na patay na.

Pansamantalang inilagak ang mga labi ng pitong hindi pa kinilalang bangkay sa isang punerarya sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Sinabi ng mga awtoridad na pawang namatay sa tama ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng armas ang mga biktima.

Sa huling pahayag kay Bunayog, sinabi niya na patuloy ang kanilang pagtugis sa mga salarin.

Ayon sa ilang residente, agawan sa lupa ang nakikita nilang motibo sa pagsalakay.