MAYROONG isang limang kuwento ng isang araw noong 1914, panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig, nang magpasya ang mga magkakalabang tropa, habang magkakaharap sa Western Front—ang mga Aleman sa isang panig at ang mga Pranses at mga Briton sa kabila—na ibaba ang kanilang mga armas dahil Pasko naman.
Walang nakababatid kung paano ito nagsimula. Posibleng noong Bisperas ng Pasko, matapos na marinig ng tropang Pranses at Briton ang boses ng isang sundalong Aleman na umaawit ng “Stille Nacht” (“Silent Night”)—at sumabay sila sa pag-awit sa kaparehong kanta, sa sarili nilang lengguwahe. O isang sundalong Pranses ang posibleng umawit ng French carol na “Cantique de Noel” na mas kilala bilang “Oh Holy Night.”
Paano man ito nagsimula, iniwan ng mga sundalo ang kani-kanilang puwesto at nagtungo sa no-man’s-land sa pagitan nila nang Bisperas ng Paskong iyon. Pagsapit ng umaga ng Pasko, sa buong Western Front, nagpalitan sila ng mga pagbati. Nagdaos sila ng mga seremonya ng libing at nagpalaya ng kani-kanilang bilanggo. Nakipaglaro rin sila ng football games sa isa’t isa. Nagtapos ang mga araw na iyon sa pag-awit ng mga awiting Pamasko.
Nagpatuloy ang digmaan sa sumunod na apat na taon pagkatapos nito, dahil kinakailangang tumalima ang mga sundalo s autos ng kani-kanilang opisyal, ngunit ang Paskong iyon ng 1914 ay naaalala pa rin hanggang ngayon bilang “the most extraordinary day imaginable,” sa paglalarawan ng isang kapitang Briton sa liham na inilathala sa London noong Enero 1915.
Ngayon, sa Pasko 2015, nagdurusa pa rin ang mundo sa digmaan sa Middle East, sa Africa, at sa ilang bahagi ng Europe at Asia. Isang partikular na bansa ang winasak na ng mga paglalaban, kaya naman ang mamamayan nito, ang mga Syrian, ay patuloy sa paglikas upang makapagsimula ng panibagong buhay sa ibang panig ng mundo na tatanggap sa kanila. Sa sarili nating bansa, masuwerte tayo na mayroong taunang tigil-putukan tuwing Pasko ang ating Sandatahang Lakas sa New People’s Army.
Sa ating pagdiriwang ng Pasko 2015, alalahanin natin ang kasunduang pangkapayapaan noong Pasko 1914 at ang taunang tigil-putukan sa ating bansa. Mula sa mga ito ay umaasa tayo na kapayapaan at kabutihan na inawit ng mga anghel noong unang Pasko sa Bethlehem mahigit 2,000 taon na ang nakalipas ay mananaig sa ating problemadong mundo pagdating ng panahon.
Isang pinagpalang Pasko sa lahat sa sagradong araw na ito ng kaligayahan, pagmamahalan, at kapayapaan.