ANO ba talaga ang diwa ng Pasko? Bata pa lamang tayo ay itinuro na sa atin ng ating mga magulang at ng simbahan na ang Pasko ay pagbibigayan, pagpapatawaran, pagmamahalan, pagkakasundo at pagkakaisa. Maging ang ating mga pari, obispo at iba pang mga alagad ng simbahan ay iyan ang itinuturo. Ngunit ang mga leader sa ating bansa, na naghahangad ng matataas na posisyon at nagnanais na maging pinuno ay tila hindi sumusunod sa mga aral na ito.

Sa halip na mangampanya ng mapayapa at walang inaapakan, sila ay nagsisiraan, nagbabangayan at kulang na lamang ay magpatayan.

Nakasisikip ng dibdib ang ganitong gawain ng ating mararangal ba o mga hangal na kandidato? Parang silang walang pinag-aralan. Hindi kagalang-galang at higit pa sa mga sanggano.

Nakapagpapagaan lamang ng dibdib na mayroon pa palang isang tao sa mundo na ang pagmamahal sa kapwa na kahit hindi kakulay ay handang magkaloob ng milyun-milyon para sa mga naghihirap sa daigdig. Ito ay ang mag-asawang Mark Zuckerberg, co-founder at CEO ng facebook at ang asawa nitong si Priscilla Chan na nagpahayag na ipagkakaloob nila sa kawanggawa ang 99% ng kanilang Facebook shares na nagkakahalaga ng mahigit 45 bilyong dolyar. Napakalaking halaga!

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

At ito ay para lamang ipagdiwang ang pagsilang ng kanilang anak na babae. “Ang inisyal na pokus namin ay ang personalized learning, paggamot sa may sakit, pakikipag-ugnayan sa mga tao at pagtatayo ng isang matibay na pamayanan, ”post ni Zuckerberg sa Facebook, na sulat para sa kanyang anak na babae.

Sa karugtong na sulat ay sinabi ni Zuckerberg: “Max, we love you and feel a great responsibility to leave the world a better place for you and all the children.”

Ang donasyong ito ng mga Zuckerberg ang itinuturing na pinakamalaking abuloy ng isang tao sa kasaysayan.

Nakatataba ng puso at nakakaiyak ang ginawang pagtulong ng mga Zucerberg sa daigdig. Sa panahon ngayon na ang material na bagay ang higit na mahalaga, naiiba ang mag-asawang Zuckerberg. Higit sa kanilang sarili at anak, ang pagmamahal nila sa mga tao sa daigdig at tila walang kapantay.

Ngayon ay magpa-Pasko, sino kaya sa ating mga pulitiko at mga opisyal ng gobyerno ang kahit na kaunting barya ay makakaalala sa kanilang mga kababayang nagdarahop.

Gayunman, maligayang Pasko sa lahat!