Imbes na magdiwang ng Pasko ay mas ninais ng anim kataong pambansang delegasyon sa chess ang sumali at makipagpigaan ng utak sa Jakarta, Indonesia sa pagsabak sa 3rd ASEAN JAPFA Chess Championships sa GM Utut Adianto Chess School na gaganapin simula Disyembre 22 hanggang 30.

Sinabi ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales na hindi palalampasin ng mga batang woodpusher ang pagkakataon na makatipon ng kinakailangan nitong mga grandmasters norms na nakataya sa torneo kung kaya’t mas pinili ng mga ito na dumayo kaysa magselebra ng Kapaskuhan.

“Hindi naman natin sila pinipigilan on whether to stay to celebrate or compete, they choose to join the tournament because of the tempting ranking points that could really help them in their aim for their titles,” sabi ni Gonzales.

Ang anim ay binubuo ni Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna na kinakailangan na lamang ng isang kumpletong norm upang maging pinaka-unang babaeng grandmaster ng Pilipinas.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kasama ni Frayna sina Woman FIDE Master (WFM) Shania Mae Mendoza at WIM Bernadetta Galas kasama rin sina Grandmaster Darwin Laylo at IM’s Jan Emmanuel Garcia at Paulo Bersamina.

Makakukuha ng outright GM at WGM norms ang mga maghahari at reyna sa siyam na araw na torneo kung saan nakatakdang makalaban sa opening round ni Frayna si Indonesian WFM Nur Abidah Shanti.

Makakasagupa ni Mendoza ang Indon WFM Citra Dewi Ardhiani Anastasia at makakaharap ni Galas si Indon WIM Sihite Chelsie Monica Ignesia.

Magpapang-abot agad sina Laylo at Bersamina samantalang nasa landas ni Garcia si IM Nguyen Van Huy ng Vietnam. May mga kasali ring taga-Malaysia at Myanmar. - Angie Oredo