Naaresto ang limang katao na pinaniniwalaang miyembro ng isang kidnapping group at matagumpay na nailigtas ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang negosyante sa kamay ng sindikato makaraan silang matiktikan sa Matnog Ferry Terminal sa Sorsogon.

Sinabi ni PNP-AKG Director Senior Supt. Roberto Fajardo na ang mga suspek ay pawang armado ng matataas na kalibre ng baril nang mahuli habang sakay sa isang Mitsubishi AUV kasama ang biktimang si Giovani Rossano Tan noong Disyembre 22, 2015, sa Matnog Ferry Terminal.

Ang mga naarestong suspek ay sina Marlon Altizo, Jemmel Cinco, Rolly Falcon, Drackilou Falcon, at Abigail Lapinid.

Ayon kay Fajardo, Disyembre 10 nang dukutin si Tan sa may Tarlac Sentra Piggery Farm sa Tarlac City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, isa pang kidnap victim, na nakilalang si Michelle Ng, ang pinalaya kahapon matapos magbayad ng ransom.

Si Ng ay dinukot noong Disyembre 17, 2015 sa Barangay Doña Imelda, Quezon City at sa ginawang follow-up operation ay naaresto ang isa sa mga suspek na kinilalang si Maribel Bucala.

Sinabi ni Fajardo na ang matagumpay na operasyon ay dahil sa pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang ahensiya at kooperasyon din ng pamilya ng dalawang kidnap victim.

Sa pagtatapos ng 2015, nakapagtala ang PNP-AKG ng 37 kidnapping incident, mas mababa kumpara noong 2014 na umabot sa 50. - Fer Taboy