Pinal nang diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) en banc sa 2016 presidential elections si Senator Grace Poe.

Ito’y matapos na magkahiwalay na ibasura ng en banc ang dalawang motion for reconsideration na inihain ng kampo ng senador laban sa mga desisyon ng dalawang dibisyon ng poll body na parehong nag-aatas na kanselahin ang kanyang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo.

Sa botong 5-2, nagdesisyon ang Comelec en banc na ibasura ang apela ni Poe sa desisyon ng Comelec First Division na nagdidiskuwalipika kay Poe sa eleksiyon dahil sa pagkuwestiyon ng mga petitioner na sina Francisco Tatad, Antonio Contreras at Amado Valdez sa kanyang citizenship at residency.

Ibinasura rin ng en banc, sa botong 5-1-1, ang apela ni Poe sa desisyon ng Comelec Second Division na nagkakansela ng CoC ng senadora, batay sa kahilingan ni Atty. Estrella Elamparo dahil sa kakulangan nito sa 10-year residency requirement.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman Andres Bautista na apat na isyu ang tinalakay nila bago nagbotohan, kabilang dito ang hurisdiksyon ng Comelec sa kaso, kung napunan ba ni Poe ang 10-year residency requirement, kung natural born citizen si Poe at kung may “deliberate intent” ba si Poe na linlangin ang publiko at paniwalaing siya ay natural born citizen at may residency requirement para kumandidato.

Ayon kay Bautista, sa unang isyu, lahat ng commissioners ay bumotong may hurisdiksyon ang Comelec na desisyunan ang kaso dahil magkakaroon lamang ng hurisdiksyon dito ang Presidential Electoral Tribunal (PET) kung tapos na ang halalan at kung naiproklama na ang isang kandidato na pinepetisyon.

Mas marami rin sa mga commissioner ang naniniwalang hindi natural born citizen si Poe at hindi niya naabot ang 10-year residency requirement na isinasaad sa batas para sa mga taong nais kumandidato sa pagkapangulo.

Naniniwala rin ang mga commissioner na may deliberate intent ang kampo ni Poe na iligaw ang mga tao at paniwalaing siya ay kuwalipikadong tumakbo sa eleksiyon.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Bautista na kasama pa rin sa balota ang pangalan ni Poe.

Gayunman, kinakailangan aniyang makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) ang senadora sa lalong madaling panahon upang hindi maging executory ang desisyon ng Comelec en banc at hindi tuluyang maalis ang kanyang pangalan sa balota.

Binigyan si Poe ng hanggang sa Martes para iapela ang desisyon sa kataas-taasang hukuman.

Samantala, natanggap na ng kampo ni Poe, sa pamamagitan ng abogado nito na si George Garcia, ang kopya ng mga desisyon ng Comelec en banc. (MARY ANN SANTIAGO)