Handa ang mga mahistrado ng Supreme Court (SC) na magdaos ng urgent session upang talakayin at resolbahin ang anumang petisyon na nangangailangan ng agarang desisyon.
Ito ang tiniyak ni Chief Justice Maria Lourdes P. Aranal Sereno sa isang panayam kasama ang media bago ang ang “holiday break” ng SC justices.
Inamin din ng Chief Justice na magiging “unusual” ito kumpara sa kanilang mga nakalipas na Christmas break dahil sa mga isyung pulitikal sa kasalukuyan na maaaring idulog sa SC.
Isa sa mga ito ay ang inaasahang petisyon na ihahain ng kampo ni Senator Grace Poe matapos ibasura ng Commission on Elections en banc ang motion for reconsideration ng mambabatas para sa kanyang kandidatura sa halalan sa Mayo 9, 2016.
Nagsimula ang Christmas break ng mga opisyal at mga empleyado ng Judiciary noong Miyerkules.
Magbabalik sila sa trabaho sa Disyembre 28, 2016 at magkakaroon ng “half-day” work sa Disyembre 29. (PNA)