Binisita ni Pangulong Aquino ang mga nasalanta ng bagyong ‘Nona’ sa Northern Samar at Oriental Mindoro kung saan ito namahagi ng relief goods.

Sakay ng helicopter ng Philippine Air Force, nagsagawa rin ng aerial inspection ang Punong Ehekutibo upang madetermina ang lawak ng pinsala ng naturang kalamidad na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa dalawang lalawigan.

Sa Northern Samar, nakipagpulong ang Pangulo sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na nagbigay ng briefing sa mga nasirang imprastruktura at ari-arian sa kanilang lugar.

Ayon kay Department of Energy (DoE) Secretary Zenaida Monsada, halos 80% ng linya ng kuryente sa Northern Samar ang nasira bunsod ng malakas na hangin at buhos ng ulan dulot dahil sa bagyong Nona.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Medyo matatagalan pa upang maibalik ang kuryente,” pahayag ni Monsada.

Upang mapabilis ang pagbabalik ng serbisyo ng kuryente, sinabi ni Monsada na itinatag na ng mga electric cooperative ang Task Force Kapatid noong Disyembre 17.

Aniya, inaasahang sa Enero 15 maibabalik sa normal ang serbisyo ng elektrisidad sa Northern Samar.

“We will also be sending additional support para mas mabilis pero may aabot talaga by January but most of the towns will have power by the end of the year,” pahayag ni Monsada.

Tiniyak naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman na patuloy ang buhos ng tulong sa lalawigan. (Madel Sabater-Namit)