ANG Noche Buena (Espanyol para sa “magandang gabi”), isang tradisyong Pilipino na nagmula sa Spain at Mexico, ang gabi—isang kapistahan—bago ang Pasko. Habang hinihintay ang pagsilang ni Hesukristo, nagsasama-sama ang pamilya pagkatapos ng misa sa bisperas ng Pasko (huling Simbang Gabi) ng Disyembre 24 para sa Noche Buena bilang pasasalamat sa mga biyayang tinanggap sa nakalipas na taon, habang umaasam at nananalangin ng kaligayahan at kasaganahan sa susunod na taon.

Ang Noche Buena ay isang masayang selebrasyon ng pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay habang nagpapalitan ng mga regalo at pagkain, at nagbabatian ng Maligayang Pasko! Itinutulad sa American Thanksgiving Day, ito ang panahon ng muling pagsasama-sama, kaya naman maraming overseas Filipino ang nagsisiuwi para bumisita sa mga mahal sa buhay at gumawa ng kabutihan. Isa itong tradisyon na hindi naglalaho sa puso ng bawat Pilipino, nasaan man sila, at kahit pa gaano na kamoderno ngayon ang teknolohiya.

Ipinagdiriwang sa Pilipinas ang pinakamahabang panahon ng Pasko, mula sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa Disyembre 16 hanggang sa Kapistahan ng Tatlong Hari sa unang Linggo ng Bagong Taon. Naging tradisyon na sa bawat hapagkainan tuwing Noche Buena ang may nakahaing hamon at queso de bola, matatamis at malalagkit na kakanin, lumpia, pancit, fruit cake, mansanas, oranges, salad, at lechon.

Lechon ang pangunahing tampok sa Noche Buena, isang tradisyon na nagsimula noon pang ika-15 siglo nang ang mga kolonistang Caribbean ay nangangaso ng mga baboy at nililitson ang mga ito para pagsalu-saluhan ng buong pamilya tuwing bisperas ng Pasko. Ilang katutubong Pilipino noong pre-colonial era ang nag-aalay ng mga kakanin sa kanilang mga diyos sa pagtatapos ng taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nagsimula ang Noche Buena noong ika-16 na siglo nang inobliga ng mga prayleng Espanyol ang mga Pilipinong mananampalataya na mag-ayuno hanggang sa umaga ng Pasko. At dahil gutom na gutom ang mga tao matapos dumalo sa pang-hatinggabing misang Pamasko, palihim silang nagdaos ng kapistahan bago matulog.

Higit pa sa pagsasalu-salo sa tradisyunal nang masasarap na pagkain, ginugunita rin ng Noche Buena ang “magandang gabi” nang isilan ni Birheng Maria si Hesus, isang patunay ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. “For God so loved the world that He gave His only begotten Son, that whoever believes in Him will have life eternal” (John 3:16).

Bukod sa Pilipinas, may tradisyon din ng Noche Buena ang iba pang mga bansa. Tampok sa pagdiriwang ng Puerto Rico ang lechon na niluto sa isang “Caja China,” isang malaking kawa na roon ipapatong ang isang buong baboy, sa ilalim ng nagbabagang uling. Marami namang Latin Americans ang nagdiriwang ng bisperas ng Pasko upang bigyang-halaga ang huling gabi ng Posadas. Sa New Mexico, ipinagdiriwang ang La Noche Buena sa pag-iilaw ng luminaries at farolitos. Sa Spain, nagsasalu-salo ang pamilya at magkakaibigan pagkatapos ng Christmas Mass.

Maligayang Pasko!