MAKATUTURAN ang paalaala ng Department of Health (DoH) hinggil sa paghahanda ng balanseng Noche Buena. Ibig sabihin, kailangang tiyakin na sa ating tradisyunal na Christmas eve menu ang mga gulay at prutas. Dapat ding idagdag dito ang sinigang at pinangat na isdang-tabang, at iba pang katutubong pagkain.

Sa kabila ng naturang mensahe ng DoH, tiyak na mananaig pa rin ang paghahanda ng magarbong Noche Buena ng mararangyang pamilya. Siyempre, hindi mawawala sa kanilang Christmas eve table ang roasted turkey, imported na queso de bola at iba pa; naririyan din ang inangkat na mga prutas tulad ng kastanyas, mansanas, ubas at iba pang pagkain na sa pangarap lamang natin malalasahan.

Hindi nawawala ang colonial mentality ng ating mga kababayan na nahirati sa paghahanda ng maluhong Noche Buena. Sinaliwan ito ng mga awiting Pamasko na kinanta ng mga foreign singers. Karapatan ito ng mga nakaririwasa at kamalasan naman ng mga maralita.

Kahit na ano pa ang sabihin ng sinuman, nais kong ibahagi ang aming naiibang paghahanda ng Noche Buena. Nakaangkla rin ito sa paalala ng DoH tungkol sa paghahanda ng mga gulay, prutas at isda sa hapag. Tampok dito ang aming paboritong pinakbet-Ilokano na pinagsama-samang bunga ng malunggay, katutubong ampalaya at talong, sagana sa kamatis at sinahugan ng inihaw na hito o dalag. Kakambal nito ang sinampalukang katutubong manok. Sabay na inihahain ang katutubong pamatid-uhaw: pinakuluang dahon ng guyabano na may kahalong luyang dilaw; mga sangkap ito na maraming nalulunas na karamdaman. Ang mga ito ang pagkaing angkop hindi lamang para sa Noche Buena kundi sa lahat ng pagkakataon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bilang isa sa mga naging biktima ng mild stroke halos dalawang dekada na rin ang nakararaan, iniwasan ko na ang paghahanda ng mga putaheng mamantika at maalat. Ayaw ko nang makita ang mukha ng kamatayan nang ako ay ipasok sa intensive care unit (ICU) dahil nga sa pag-atake ng naturang sakit. Ang malungkot na karanasang ito ay walang intensiyong pagbawalan ang sinumang naghahangad kumain ng lahat ng lutuing nais nilang matikman.

Bukod sa paalala ng DoH, makabuluhan din ang babala ng Philippine College of Physicians (PCP) na: “While Christmas is the happiest time of the year, it is also the deadliest.” Ibig sabihin, mapanganib din ito sa ating kalusugan.

Marahil dahil nga sa mga pagkaing pinagsasaluhan sa Noche Buena. (CELO LAGMAY)