Pinagbawalan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga pari sa kanyang nasasakupan na magmisa sa mga political event.
Sa isang circular, sinabi ni Tagle na kinakailangan ito upang matiyak na walang kinikilingang pulitiko ang simbahan at pagiging sagrado ng mga sakramento.
“The Eucharist is the source and sign of unity. Its celebration should not be seen as favoring or endorsing particular candidates, organizations or parties,” bahagi ng circular ni Tagle.
Nanawagan din ang Cardinal sa mga pari na huwag payagan ang mga kandidato na mag-organisa ng mga mass baptism, mass confirmation, at mass wedding.
Aniya pa, bilang spiritual guides, dapat ang mga pari ay maging “ministers of unity and harmony” at umiwas sa mga gawain na maaaring maging sanhi ng pagkakawatak-watak ng komunidad.
Pinaalalahanan din niya ang mga clergy sa polisiya ng archdiocese na dapat na suspindehin ang lay liturgical minister sa pagtupad sa kanilang religious duties sakaling tumakbo sila sa eleksiyon.
Malinaw naman aniya ang paninindigan ng Simbahang Katoliko na dapat na dumistansya ang mga diocese at mga parokya sa political ring.
Iginiit ni Tagle na hindi rin dapat na humingi ng pabor ang mga clergy sa mga pulitiko upang hindi malagay sa alanganin ang integridad ng simbahan.
“It is best to avoid appearing in public political sorties and campaigns while not discouraging politicians and candidates from seeking genuine spiritual counsel,” ani Tagle. “This instance should be done in utmost privacy.”
(Mary Ann Santiago)