CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Nakaligtas ang alkalde ng bayan ng Balud sa Masbate, kabilang ang kanyang mga kasama na binubuo ng mga pulis at sibilyan, noong Martes ng umaga.

Ayon kay Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-Region 5, dakong 9:10 ng umaga nitong Martes nang pagbabarilin ng nasa 40 armadong lalaki, na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA), ang convoy ni Mayor Ruben Jude Lim kasunod ng pagsabog ng dalawang improvised explosive device (IED) habang nagbibiyahe sa national road ng Barangay Ilaya, Balud, Masbate.

Sinabi ni Calubaquib na lulan si Lim sa Ford Ranger (AAH-8466) at ineeskortan ng mga sakay sa Mitsubishi Pajero (WRP-673) para dumalo sa isang Christmas party sa Bgy. Mabuhay nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Calubaquib, agad na gumanti ng putok ang apat na pulis na kasama ng alkalde.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi pa ni Calubaquib na pinagbabaril din ng mga rebelde ang ambulansiya ng Balud na agad na rumesponde sa insidente.

Nasamsam mula sa lugar ng insidente ang isang hindi sumabog na Molotov; isang electrical wire; 10 cartridge ng M14 rifle; 25 bala ng M16 rifle, at ilang shrapnel.

Kasabay nito, naglabas ng pahayag kahapon ng umaga ang AFP Southern Luzon Command at tiniyak na tatalima ang militar sa unilateral suspension of military operation (SOMO) ng gobyerno, na idineklara ni Pangulong Aquino laban sa New People’s Army. (NIÑO N. LUCES)