IPINAGPAPATULOY ng Commission on Audit, na ang mga report sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) ay nagbigay-daan sa pagkakadeklara ng Korte Suprema sa mga nasabing programa bilang labag sa batas, ang tungkulin nito sa pagsusuri sa bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan at pagtuklas ng iba’t ibang iregularidad sa mga ito.
Sa huling ulat nito sa Motor Vehicles Users Charge (MVUC), o mas kilala bilang Road Users Tax, muli itong nakadiskubre ng maling paggamit sa pera ng taumbayan. Simula 2007, ang mga sinisingil na ito ay nakolekta sa lahat ng may-ari ng sasakyan sa bansa upang pondohan ang mga proyektong may kinalaman sa kaligtasan at pagmamantine ng mga kalsada.
Sa 2014 audit report, iniulat ng CoA:
- Pinondohan ng Road Board ang mga proyektong imprastruktura na hindi saklaw ng mandato nito at naglabas ng pondo para sa mga proyekto na kung hindi man tuluyang hindi naipatupad ay naipagpaliban naman. Dalawang proyekto na may budget na may kabuuang P102 milyon ang hindi pa nasisimulan habang tatlo pang proyekto—nagkakahalaga ng P84 milyon—ang hindi natapos sa takdang panahon.
- P463 milyon halaga ng pondo na inilabas sa Road Board Secretariat, sa Department of Transportation and Communication (DoTC), sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga lokal na pamahalaan ang hindi pinahintulutan ng mga auditor tatlong taon na ang nakalipas at walang accounting para sa mga pondong ito.
- Sa pondong inilabas para sa DPWH, P263 milyon ang ginastos nang walang kaukulang mga dokumento.
- Itinabi ang P199 milyon para sa pagbili ng mga gamit para sa Motor Vehicle Inspection System, isang programang alinsunod sa Land Transportation and Traffic Code at Clean Air Act, ngunit nanatiling hindi nagagamit ang mga pondong ito.
- Nasa P14 milyon ang ginamit ng DPWH sa advertising materials, singilin sa tubig at telepono, at iba pang bagay na walang kinalaman sa pagmamantine sa mga kalsada.
Ngayon na inilabas na ng CoA ang ulat na ito, nakasalalay na sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno kung aaksiyunan ang mga ito. Sa kaso ng PDAF, ginamit ng Kongreso ang audit report ng CoA para pagbatayan ng mga kasong inihain ng Ombudsman laban sa ilang senador at kongresista. Sa kaso naman ng DAP, nanawagan ang Ombudsman para imbestigahan si Secretary of Budget and Management Florencio Abad.
Ang hindi wastong paggamit sa milyun-milyong pondo ng Road Users Tax ay hindi kasing tindi ng maling paggastos sa daan-daang bilyong piso ng pondo ng PDAF at DAP ngunit kailangan pa ring pagtuunan ng pansin ng ating mga opisyal na naatasang protektahan ang pondo ng bayan at papanagutin ang mga magtatangkang nakawin ang mga ito.