Posibleng maharap sa kasong kriminal ang dalawang bus driver matapos magpositibo sa paggamit ng ilegal na droga sa isinagawang random drug testing ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus terminal sa Metro Manila.

Subalit sinabi rin ng ahensiya magsasagawa pa rin ng confirmatory test sa dalawang bus driver.

Ang pagsasagawa ng random drug test sa mga driver ay kasabay ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal na magtutungo sa lalawigan upang magdiwang ng Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa LTFRB, ang drug test sa mga bus driver ay isinagawa noong Disyembre 21 hanggang 24 at muling itutuloy sa Disyembre 28 hanggang 30.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Dahil sa paglabag sa Anti-Drug and Drugged Driving Act of 2013, isinailalim sa imbestigasyon ang mga driver na nagpositibo sa drug test sa Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Section bago sila kasuhan sa Office of the City Prosecutor.

Ang multa sa driver na mahuhuling nagmamaneho habang nasa impluwensiya ng droga o alak subalit walang nadamay o nasaktang biktima ay P20,000 hanggang P80,000. Ito’y bukod sa pagkumpiska sa professional driver’s license na tuluyang kakanselahin kapag napatunayan ng korte na guilty ito sa naturang pagkakasala.

Pananagutin din ng gobyerno ang operator ng sasakyan ng nahuling driver, ayon sa LTFRB. (PNA)