BUTUAN CITY – Kinumpirma kahapon ng combat maneuvering troops ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakubkob nila ang pinaniniwalaang pinakamalaking kampo ng New People’s Army (NPA) sa hilaga-silangang Mindanao.
Sinabi rin ng field commander ng Army na ang nakubkob na kampo ng military ay pinaniniwalaang lugar ng “plenum” ng NPA at ang pagdarausan nila ng selebrasyon ng anibersaryo ng kilusan sa Sabado, Disyembre 26, 2015.
Ang tatlong-ektaryang kampo ay matatagpuan sa mataas na bahagi ng Maitum sa Surigao del Sur at binubuo ng mga outpost, listening post, bahay-kubo, kusina at mini-communal farm, ayon kay Lt. Col. Randolph I. Rojas, commanding officer ng 36th Infantry Battalion ng Army.
“May mga bakas din ng dugo sa lugar,” sinabi ng 36th IB commander, sa eksklusibong panayam ng may akda sa Camp Bancasi sa lungsod na ito.
Aniya, ang pagkubkob sa kampo ay kasunod ng limang araw na pakikipaglaban ng militar sa NPA na nagtapos nitong Martes.
Sa nasabing paglalaban, nakumpiska rin ng militar ang 21 improvised explosive device, na nasa 15-20 kilo bawat isa, at war materials. (Mike U. Crismundo)