Pansamantalang nakalaya si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa pagkaka-hospital arrest sa Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) matapos payagan ng korte ang hiling niyang Christmas furlough sa kanilang bahay sa Quezon City.
Kahapon ng umaga, inilabas ang kongresista sa VMMC at iniskortan ng mga tauhan ng Police Security Protection Group (PSPG) pauwi sa kanilang bahay sa No. 14 Badjao St. La Vista Village, Quezon City.
Si Arroyo ay sinalubong ng mister nito na si dating First Gentleman Mike Arroyo, mga anak, apo, at mga dating Cabinet member nito.
Pinagbawalan ang mga miyembro ng media na makapasok sa La Vista dahil na rin sa mahigpit na seguridad na ipinaiiral sa lugar.
Binawalan din ng hukuman ang dating Pangulo na magpa-interview sa mga mamamahayag.
Nahaharap si Arroyo sa kasong plunder kaugnay ng paglustay umano ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na aabot sa P366 milyon, noong pangulo pa ito ng bansa. (Rommel P. Tabbad)