NGAYONG araw ng Pasko sa Biyahe ni Drew, isang nakabubusog na food adventure uli ang ibabahagi ni Drew Arellano sa biyahe niya sa isa sa pinakamalapit na probinsiya sa Maynila — ang Bulacan.

Sa Malolos, hindi palalampasin ni Drew ang pagbisita sa popular na stop over na Citang’s para sa malinamnam na kakanin at kakaibang empanada. Nariyan din ang “pabalat”, ang tradisyunal na paraan ng pagbalot sa mga kendi o pastillas sa makulay na papel at may magarbong disenyo.

Sa kanya namang pagbisita sa Bistro Malolenyo, titikman ni Drew ang mga paboritong putahe ng mga Pilipinong magpapaalala ng ating mga bayani. Nariyan ang nilagang manok na may asparagus na paborito raw ni Aguinaldo, ang pochero na paborito ni del Pilar, at ang nilitsong manok sa saha na paborito naman ng mga Katipunero.

Sisilipin din ni Drew ang paggawa sa butcheron — ang chicharong gawa sa butchi ng manok. Samantalang sa Bocaue ay titikman naman nito ang Bocaue version ng dinuguan na imbes na dugo at lamang loob ng baboy, dugo at lamang-loob ng baka ang gamit.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Going organic naman ang drama ni Drew pagdating sa Sta. Maria. Titikman nito ang mga organic food sa hapag-kainan ng Gawad Kalinga Enchanted Farms. Hindi lang pesticide-free ang mga gulay at produkto rito dahil nakatutulong pa raw ang proyekto sa pagbibigay ng hanap-buhay sa mga residente ng Sta. Maria.

At dahil nasa Bulacan na rin siya, bibisitahin ni Drew ang mga paboritong hangout daw ni Yaya Dub sa kaniyang hometown sa Sta. Maria.

Panoorin ang Biyahe ni Drew ngayong Biyernes, Disyembre 25, alas-10 ng gabi sa GMA News TV.