Pasko na bukas, at habang abala pa rin ang marami sa last minute shopping ng maipanreregalo sa kanilang mga mahal sa buhay, nagbigay ng ideya si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa isang tipid ngunit tagos sa pusong handog ngayong Pasko.

Aniya, hindi naman kinakailangang materyal na bagay o mamahalin ang regalo.

Sinabi ni Tagle na sapat na minsan ang isang ngiting mula sa puso o isang simpleng pagbati.

“May mga sadyang nagtatago kapag malapit na ang Pasko, kasi wala silang maibibigay...pero may taong ngiti mo lang ay matutuwa na,” sinabi ni Tagle sa Advent Recollection para sa mga miyembro ng media nitong Martes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Para sa ilang tao, okay na ‘yung maalala mo ang kanilang pangalan, at tanungin sila ng ‘kumusta ka na’?”

Binanggit ng cardinal na halimbawa ang isang kakilala na nakasalubong niya kamakailan.

“Binanggit ko ang pangalan nung tao at sinabi niya sa akin: ‘Cardinal, kilala n’yo po ako.’ Sinabi ko sa kanya, oo.

Sabi niya: ‘Naku, puwede na akong mamatay.’ Sinabi ko naman sa kanya: ‘Huwag. Busy ako, ‘di kita maililibing’,” kuwento ni Tagle.

“Kung may maibibigay o maireregalo kayo, eh di okay...sa Year of Mercy ngayong taon, napakarami nating maibibigay, gaya ng solidarity, communion,” sabi pa ni Tagle. (LESLIE ANN AQUINO)