Hihilingin ng mga boxing promoter na ipatigil ng Games and Amusement Board ang pagpapadala ng mga Pilipinong boksingero sa South Africa dahil sa nakadidismayang pagtrato sa mga ito.
Ito mismo ang inihayag ni promoter Ryan Gabriel, kasama si coach Benjie Gonzales, sa lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (SA) sa Shakey’s, Malate.
Ikinuwento ni Gabriel ang kanilang karanasan sa pagsabak ng boksingerong si Renz Roshua para sa International Boxing Organization (IBO) flyweight title kamakailan.
“Gusto lang naming maalagaan ang kapakanan ng mga boxer at mapabuti ang kalagayan nila at kami din na mga promoter dahil sa isinagawa nila sa atin na sobrang pagmamaltrato bago pa man ang laban para sa titulo at siyempre nagdudulot ng pagkatalo sa ating mga boksingero,” sabi ni Gabriel.
Idinagdag ni Gabriel na hindi pa man nagsisimula ang laban ay nakalasap na ng hindi maayos na trato ang kampo ng mga Pilipino na hindi agad ibinigay ang kanilang napagkasunduang premyo at tinakot mismo sa isinagawang weight-in matapos pakitaan ng baril kalaban.
“Dumating kami doon noong December 6 habang ang laban ay ginanap noong Disyembre 12. Doon pa lang ay hindi na maganda ang trato sa amin dahil hindi ibinibigay sa amin ang napagkasunduan na meal allowance, transpo at iyung facility na dapat naming gamitin sa training,” pagkukuwento ni Gabriel.
“The worst thing happens when we ask for the purse dahil dapat settled na ang purse before the fight dahil bigla na lang kami nilabasan ng baril ng trainer ng kalaban,” sabi pa ni Gabriel, na sumulat mismo sa presidente ng IBO upang ipaalam ang nangyari at ang pagbabanta sa kanilang buhay.
“Ipinaliwanag lang sa amin na sini-secure lang daw ng trainer iyung purse kaya daw may dalang baril. Puwede ba naman iyon eh nasa weigh-in kayo,” sabi ni Gabriel. “With that, humuhiling kami sa GAB na sanay ay ipatigil na muna sa mga promoter ang pagpapadala ng boxers dahil talagang delikado,” sabi nito. (Angie Oredo)