Naglunsad ng Solidarity Appeal ang Simbahang Katoliko sa 61 diocese nito sa buong bansa para mangalap ng pondo na gagamiting pantulong sa mga sinalanta ng bagyong ‘Nona’.
Ang Solidarity Appeal, na ginawa ng social action arm nito na NASSA/Caritas Philippines, ay ipinaabot sa 61 obispo at mga arsobispo sa buong bansa.
Sa naturang apela, sinabi ni NASSA/Caritas Philippines National Director Archbishop Rolando Tria Tirona, na sinimulan na nilang gamitin ang kanilang local emergency fund na “Alay Kapwa” para tulungan ang mga diocese na naapektuhan ng kalamidad.
Gayunman, sinabi niyang hindi sapat ang naturang pondo dahil sa laki ng pinsalang nagawa ng bagyo sa bansa.
Dahil dito, umaapela sila sa mga diocese na suportahan sila at mangalap rin ng pondo para matulungan ang mga biktima ng bagyo.
Nabatid na naglabas na ang NASSA/Caritas Philippines ng P1.75 milyon cash assistance mula sa Alay Kapwa para sa relief operations at rapid needs assessments sa mga diocese sa Oriental Mindoro, Northern Samar, Sorsogon, Masbate at Romblon.
Maaari ring magpadala ng tulong ang mga may mabubuting puso sa bank account ng NASSA/Caritas Philippines sa Bank of the Philippine Islands (Account Name: CBCP Caritas Filipinas Foundation, Inc. NASSA; Account Number: 4951-0071-08).
(Mary Ann Santiago)