SA dalawang pag-aaral kamakailan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumabas ang mataas na kumpiyansa ng mga mamimili at negosyante sa ekonomiya sa fourth quarter ng 2015 dahil sa pagdami ng trabaho, pagtaas ng kita, malakas na pagbebenta, at iba pang dahilan.

Sa Consumer Expectations Survey (CES) noong Oktubre 1-12, binanggit ng mga mamimili ang mga dahilan ng kanilang magandang pananaw sa ekonomiya, kabilang ang: Pagdami ng trabaho at ng miyembro ng pamilya na may hanapbuhay, karagdagang kita dahil sa pagtaas ng suweldo at pagtanggap ng bonus at 13th month pay, at hindi gaanong paggalaw ng presyo ng mga bilihin.

Ayon naman sa Business Expectations Survey (BES) noong Oktubre 1-Nobyembre 16, maganda ang pananaw ng mga negosyante sa ekonomiya dahil sa: Paglakas ng consumer demand dahil sa Pasko, pagtaas ng produksiyon, pagpapalawak ng mga negosyo at mga bagong produkto, mga bagong estratehiya at proseso sa negosyo, patuloy na pasok ng remittances lalo na sa huling tatlong buwan, malakas na paggasta kaugnay ng halalan, at mababang inflation, mababang interes at magandang kalagayan ng ekonomiya.

Nakikiramay ako sa mga biktima ng bagyong ‘Nona’ at iba pang kalamidad sa bansa ngayong taon. Sa kabila nito, may mga dahilan pa rin para sabihing maganda ang 2015 para sa Pilipinas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Malakas ang bentahan sa mga mall at iba pang tindahan, at inaasahan na ang consumer spending ang magpapasulong sa ekonomiya sa taong ito.

Dumami ang trabaho kaya bumaba ang unemployment rate sa 5.6% noong Oktubre, mula sa 6.0% noong Oktubre 2014. Ayon sa pamahalaan, ito na ang pinakamababang unemployment rate sa nakalipas na 10 taon.

Ang remittances ng mga Pilipino sa ibang bansa ay umabot sa $20.6 bilyon noong Enero-Oktubre 2015, tumaas ng 3.7%, at inaasahan ng BSP na sa buong taon, ang remittances ay aabot sa $25.6 bilyon mula sa $24.3B noong 2014.

Ang business process outsourcing (BPO), na may 1.2M empleyado, ay nakapagpasok ng $18.9B noong 2014 at inaasahang magpapasok ng mahigit $21B sa 2015.

Hindi rin maitatatwa ang mga negatibong pangyayari, bukod sa mga kalamidad, gaya ng exports ay umabot lang sa $4.59B noong Oktubre, mas mababa ng 10.8% sa $5.148B noong Oktubre 2014.

Ang net foreign direct investments (FDI) mula Enero hanggang Setyembre ay may kabuuang $4.5B, mababa ng 5.5% noong 2014.

Ang pagbaba ng piso kumpara sa dolyar ay kapwa mabuti at masama. Mabuti ito para sa mga pamilya ng mga OFW at para sa mga exporter, ngunit negatibo para sa mga umaangkat ng materyales para sa kanilang mga produkto.

Positibo ang pagtaas na 6.0% ng Gross Domestic Product (GDP) sa third quarter ng 2015, kaya sa unang siyam na buwan, ang GDP ay umangat ng 5.6%.

Batay sa mga pangyayaring ito, masasabi kong may mga naging balakid sa ating daan, ngunit hindi ito nakapigil sa pagsulong ng bansa.

Maligayang Pasko sa lahat!

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sawww.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)