ILOILO CITY – Lumulubha ang alitang pulitikal sa pagitan nina Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog at City Councilor Plaridel Nava matapos na magsampa ang dalawa ng mga kaso laban sa isa’t isa.
Disyembre 21 nang maghain si Mabilog ng P10-milyon libel laban kay Nava sa Iloilo City Prosecutor’s Office.
Gumanti naman si Nava at naghain sa Office of the Ombudsman-Visayas ng kasong administratibo laban kay Mabilog na grave abuse of authority at gross misconduct nang araw din na iyon.
Ayon kay Mabilog, siniraan siya ni Nava sa isa nitong panayam sa Bombo Radyo Iloilo noong Disyembre 8. Sinabi ni Nava na si Mabilog ay nauugnay kina Melvin “Boyet” Odicta, Sr., at Barangay Monica-Blumentritt Kagawad Jesus “Jing-Jing” Espinosa, Jr., na kapwa pinaghihinalaang leader ng isang sindikato ng ilegal na droga.
Inakusahan din ng kampo ni Mabilog si Nava ng pagsasabi na isa si Odicta sa mga nagpondo sa matagumpay na kampanya ni Mabilog nang kumandidato itong alkalde noong 2010.
Samantala, sinabi naman ni Nava na isa si Mabilog sa mga nasa likod ng paglalabas ng “white paper” na bumatikos sa kanya.
Kabilang ang pangalan ni Nava sa “white paper” na nagdawit sa mga negosyante, pulitiko, law enforcer, at mamamahayag sa ilang high-profile at hindi pa nareresolbang krimen sa Iloilo City sa nakalipas na mga taon.
Sina Mabilog at Nava ay dating malapit na magkaalyadong pulitikal. (Tara Yap)