MAGPA-PASKO na naman at napakarami nang Paskong nagdaan, ngunit ang mga comfort woman ay pinagkakaitan pa rin ng biyaya. Hanggang ngayon, ang pinapangarap nilang katarungan ay nananatiling mailap.

Pitumpu’t apat na taon na buhat nang sakupin ng Japan ang Pilipinas ay umaasa na ang comfort women na mabiyayaan man lamang sila ng kaukulang kumpensasyon sa naranasan nilang pang-aapi at pananamantala sa kamay ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binihag sila, pinilit sa hindi nila gusto, ginawang libangan, pinagsamantalahan at ginawang parausan ng mga hayok na sundalong Hapon. Nang matapos ang digmaan at ipagkaloob ng Amerika ang kalayaan ng Pilipinas, ang mga sinasabing inaping kababaihan ay umasa na kahit konting kumpensasyon o bayad-pinsala sa kapaitang dinanas ay nanatiling mailap at ang katarungan ay nanatiling bingi.

Ang administrasyong Aquino ay hindi manlang nagkaroon ng tinatawag na “political will” para ipagpilitan ang pagkakaloob ng hustisya sa mga comfort woman na ginawang sex slave ng mga sundalong Hapon, ayon kay Rachilda Extramadura, excutive director ng Lila Pilipina.

May pagkakataon sanang muling mapakiusap ni PNoy ang mga nasabing hinaing at panawagan nang makausap niya ang Japanese Prime Minister na si Shinzo Abe ng idaos dito kamakailan ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), ngunit tila wala ito sa prayoridad ng Pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Korea at China ay naging priority issue ang tungkol sa mga comfort woman ng kanilang bansa kaya natamo ng mga ito ang tinatawag na moral gain at kumpensasyon. Ngunit sa ating gobyerno ay hindi.

Makapagpapatawad sila ngunit hindi umano maaaring makalimot habang buhay at habang may isang lola na malapit ng lubugan ng araw. Ang mga comfort woman na ito ay patuloy na nagtitiis at lumuluha sa sinapit nilang sexual abuse noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kailan kaya sila masasama sa “Daang Matuwid” ni PNoy? Hanggang kailan kaya maghihintay ang mga lola na ilang taon nang nagtitiis at lihim na tumatangis? Kailan kaya sila magiging prayoridad ng administrasyong Aguino? Kung sila ay nakahimlay na sa kani-kanilang mga puntod? (ROD SALANDANAN)