Patay ang limang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) makaraang makaengkuwentro ang mga tauhan ng Philippine Marines na nagpapatrulya sa Patikul, Sulu, kahapon ng umaga.
Base sa impormasyon mula kay Joint Task Group Sulu Commander Brig. Gen. Alan Arrojado, nangyari ang bakbakan sa Barangay Liang, Patikul, dakong 8:10 ng umaga.
Nagsasagawa ng security operations ang mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8 na pinamumunuan ni Lt. Col. Wilfredo Manalang matapos na makasagupa ang mahigit 40 bandido.
Ang grupo ng Abu Sayyaf ay pinamumunuan ng isang “Ninok Apari”, ayon sa militar.
Nabawi ng mga sundalo ang bangkay ng isa sa limang napatay na Abu Sayyaf, kasama ang dalawang M-203 grenade launcher, isang Garand rifle, isang M-14 rifle, isang M-4 rifle, at isang M-79 grenade launcher sa lugar ng engkuwentro.
Niniwala si Arrojado na ang grupo rin ni Apari ang nakasagupa ng Marines noong Linggo sa Patikul. (Elena Aben)