SA tuwing may bagyo, inaambisyon ng ating gobyerno ang zero casualty. Kung maaari ay walang madisgrasya o masawi sa tuwing may kalamidad sa ating bansa. Pero barometro ba ito na nagagampanan nang matino ng gobyerno ang tungkulin nito? Na kung walang casualty sa panahong nanalasa ang bagyo ay natupad ng gobyerno ang tungkulin nito sa mamamayan?

Una, suntok sa buwan ang hangaring ito ng gobyerno na zero casualty. Ang hanay ng mga dukha ang laging nilalagasan ng bagsik at lupit ng kalikasan. Kung sila ay nasa laylayan ng lipunan, sabi nga ni vice-presidential candidate, Rep. Leni Robredo, nasa gilid din sila ng bundok, estero at dagat. Sa mga mapanganib na lugar na ito sila naninirahan dahil dito sila itinaboy ng kahirapan para lang mabuhay.

Ang zero casualty na gustong mangyari ng gobyerno ay batay sa sinasabi nitong disaster awareness and preparedness.

Sa pamamagitan ng pagbabantay sa namumuong sama ng panahon, inaalerto nito ang taumbayan kung anong uri ito, at kung kailan at saan ito mananalasa. Sa lugar na roon magla-landfall ang bagyo, inihahanda nila ang mga nakatira rito laban sa landslide, flash floods at storm surge. Inihahanda rin ng gobyerno ang mga ahensiya nito upang matulungan ang sinumang maiipit ng kalamidad. Nakabukas na ang mga evacuation center at ospital para sa kanila. May mga babala na ibinibigay sa mga malalagay sa panganib. Kung may mga taong ayaw sumunod sa utos sa kanilang lumikas, ipnaaresto sila at pilit na dinadala sa ligtas na lugar.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ganoon pa man, marami pa rin ang namamatay. Kasi ang programang ito ay band-aid solution na hindi lunas sa ugat ng problema. Kung nais ng gobyerno na walang madidisgrasya ang kalamidad, alisin mo ang mga tao sa gilid ng estero at bundok. Huwag mong hayaang pamahayan nila ang baybayin ng dagat. Pero sa paraan na talagang lilisanin nila ang mga lugar na ito. Dahil sa ganda ng kanilang buhay bilang biyaya sa kanila ng gobyerno, natatakot silang manganib ang kanilang buhay. Kaya, hanguin mo sila sa kahirapan. Pangalagaan mo ang kapaligiran upang hindi maging mapanira ang kalikasan.

Tignan ninyo, sa kabila na gumagamit na ng kamay na bakal ang gobyerno para mapuwersa ang mga tao na lisaninn ang kanilang mga tahanan, hindi pa rin sila mapasunod nito. Nakaamba na nga ang panganib, ayaw pa rin ng mga taong lisanin ang kanilang mga bahay kahit wawasakin na ang mga ito ng bagyo o lulunurin ng baha. Kasi, katumbas ng kanilang buhay ang kanilang ari-arian.

Anong magagawa ng zero casualty? (RIC VALMONTE)