IKA-22 ngayon ng malamig na Disyembre. Ikapitong araw na ng Simbang Gabi, na tuluy-tuloy na dinadagsa kahit umuulan bilang pagpapahalaga sa tradisyon at paghahanda sa pagsilang ng Dakilang Mananakop. Sabi nga sa salitang bata, tatlong tulog na lang at Pasko na.

Ang Pasko ang sinasabing pinakamakulay at pinakamasayang araw sa isang taon na ipinagdiriwang ng mga Katoliko sa buong daigdig, kabilang ang iniibig nating Pilipinas. Sapagkat pagdiriwang ng pagsilang ng Dakilang Mananakop, mayaman, mahirap, hikahos sa buhay, busabos at anak-dalita ay sinasabing nakadarama ng bahagyang luwalhati at galak tuwing Pasko.

Sa pagtatapos ng Simbang Gabi sa madaling-araw ng Disyembre 24, bisperas na ng Pasko. Tampok ang Misa de Aguinaldo na pasasalamat sa pagdating ng Dakilang Mananakop na pinakadakilang aguinaldo ng Diyos Ama sa sangkatauhan.

Sa Misa de Aguinaldo, masayang aawitin ng choir sa mga simbahan ang “Gloria In Excelsis Deo”. Matapos ang misa, tanawin sa mga tahanan ang pagsasalu-salo ng mga pamilya sa Noche Buena. Ang handa ay depende sa kalagayan sa buhay ng pamilya sapagkat laging magkaiba ang pagdiriwang ng Pasko ng mayaman at mahirap. Sa mga maykaya sa buhay, puno ng mamahaling prutas, hamon, keso de bola, fruit salad, fruit cake at masasarap na pagkain ang hapag-kainan Sa mahirap, anino ng karalitaan at paghihikahos ang mamamasdan sa mesa. Maaaring may suman sa lihiya o suman sa buli na pinalangoy sa anemik na tsokolate o kaya ay isasawsaw na lang sa pinaghalong kinayod na niyog at pulang asukal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mainit na kanin at pritong tuyo o dilis na ang sawsawan ay sukang may bawang. Ang pinaka-red wine ay kapeng anemik din.

Marami ang nagsasabi na hindi dapat ikalungkot ang nasabing pagkakaiba ng handa sa Noche Buena, sapagkat maipagdiriwang naman ang kaarawan ng Dakilang Mananakop nang walang bahid ng materyalismo o luho. Naniniwala naman ang iba na sapat na ang pagkakaroon ng busilak na puso at kalooban, nakapaloob dito ang tunay na diwa at mensahe ng Pasko na pag-ibig, pag-asa at kapayapaan.

Sa pagdiriwang ng Pasko, narito ang tulang Pamasko ng inyong lingkod na alay ko sa lahat: “Maligayang Pasko, pagbati kong masigla/ Nawa sa puso ninyo’y mapawi ang lungkot at dusa/ Pumalit ay galak na walang kapara/ Ang tinik sa puso’y mapawi nang ganap./ Sa mga nagkasala’y magbigay-patawad/ Diwa at budhi natin ay maging busilak/ Katulad ng puso ng Dakilang Mesiyas/ Pag-ibig sa kapwa ang laging hangarin/ Sa isip at gawa at mga dalangin.” (CLEMEN BAUTISTA)