SA nakalipas na maraming taon, nagdedeklara ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang New People’s Army (NPA) ng tigil-putukan tuwing ganitong panahon, bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon sa Pilipinas.
Noong Martes ng nakaraang linggo, nagdeklara ang Central Committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng ceasefire na magsisimula dakong 12:01 ng umaga ng Disyembre 23, 2015, hanggang sa 11:59 ng gabi ng Enero 3, 2016.
Para sa 12 araw na ito, nanawagan ang CPP sa lahat ng sangay ng NPA at mga grupong militia na tigilan ang anumang pag-atake laban sa mga armadong tauhan ng AFP at Philippine National Police, at iba pang paramilitary unit ng gobyerno. Inihayag ng CPP ang tigil-putukan sa isang post nito sa website ng National Democratic Front of the Philippines.
Kinabukasan, Miyerkules, inaprubahan naman ni Pangulong Aquino ang rekomendasyon ng Department of National Defense para sa Suspension of Military Operations (SOMO) laban sa NPA sa kaparehong panahon ng pagiging epektibo ng tigil-putukan ng NPA.
Ang NPA ay itinatag noong 1969, isang taon makaraang muling pagtibayin ang Communist Party of the Philippines noong 1968 at nanawagan ng panibagong armadong pakikibaka laban sa gobyerno. Idineklara ang NPA bilang isang dayuhang organisasyon ng mga terorista ng United States State Department noong 2002 at ng European Union noong 2005. Ngunit tinanggal ito ng gobyerno ng Pilipinas sa listahan ng mga organisasyon ng mga terorista noong 2011 at muling isinulong ang pormal na usapang pangkapayapaan sa tagapagtatag na organisasyon nito, ang CPP.
Gayunman, nabigo ang pag-uusap, nagpatuloy ang mga paglalaban, at sinalakay ng NPA ang malalaking operasyon ng mga minahan sa Mindanao. Kamakailan lang, ang paglalaban ng Armed Forces at ng NPA sa Surigao del Sur ay sinisi sa paglikas ng mga Lumad mula sa kabundukan upang magsipanirahan sa mga evacuation center sa kapatagan.
Sa nakalipas na maraming taon ng paglalaban, nagawa ng magkaaway na panig na magdeklara ng tigil-putukan tuwing malapit na ang Pasko. Ang taunang kasunduang ito ay naging tradisyon na, at naging katanggap-tanggap sa bansang ito na labis ang pagpapahalaga sa pagdiriwang ng Pasko, kaysa iba pa mang okasyon. Nakatutulong na ang magkalabang mortal na nasa magkabilang panig ng magkaibang ideyolohiya ay may iisang pananampalataya.
At minsan pa, magkakaroon ng kapayapaan sa mga lugar na aktibo ang NPA, sisimulan isang minuto pagsapit ng hatinggabi. Sa susunod na 12 araw, kapwa titigilan ng magkabilang panig ang pagsasagawa ng anumang opensiba laban sa isa’t isa. At gaya ng nakalipas na mga taon, magwawakas ang kapayapaan dalawang araw makalipas ang Bagong Taon.
Kung patuloy nilang napaiiral ang ganitong kasunduan tuwing Pasko, umasa tayong magkakaroon ng mga panibagong pagsisikap upang magpatuloy ang matagal nang naipagpalibang usapang pangkapayapaan. Nagawa ng gobyerno na magkaroon ng kasunduan sa mga rebeldeng Moro. Magagawa rin nitong makipagkasundo sa komunistang NPA para tuldukan na ang 46 na taong rebelyon ng kilusan.