Hinamon kahapon ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang mga lider ng iba’t-ibang National Sports Associations na maging bukas sila at handa sa pakikipagtalakayan sa sandaling sumailalim sila sa “evaluation” kapag humingi sila ng tulong pinansiyal sa gobyerno.

Si Escudero na tumakabo bilang independent candidate sa pagka-pangalawang pangulo sa darating na eleksiyon sa 2016, ay nagpahayag na kadalasan ay sobra-sobra ang ibinibigay na pangako ng mga liderato ng NSA kapag nag-aasess ng kanilang performance sa kanilang pakikipag-agawan sa mga kasamahang 42 na mga NSA na regular na miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa limitadong budget na nanggagaling sa Philippine Sports Commission (PSC), ang financial arm ng gobyerno na siyang namamahala sa national sports development.

Mayroon ding limang associate member organization at nagbigay ng special recognition sa lima pang mga sports group.

Ang PSC ang siyang nangangasiwa sa ginagawang paglahok ng bansa sa iba't-ibang mga international competition gaya ng Southeast Asian Games, Asian Games at iba pang mga Asian at World Championships para sa iba't-ibang sports.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Ang POC, ay isang independent body at non-government organization na direktang nakapailalim sa International Olympic Committee (IOC), ang nangangalaga sa mga Pilipinong atleta na kalahok sa quadrennial Olympics, ngunit ang PSC pa rin ang bumabalikat ng lahat ng gastos sa mga pinagdadaanan ng mga atleta para maging kuwalipikado.

Karamihan sa mga NSA ay hindi naman nakapagpapakita ng magandang performance sa mga nakalipas na taon na siyang dahilan kung bakit sa halip na umangat ay patuloy ang paglubog ng performance ng Pilipinas sa mga international meet partikular ang SEA Games, ang kinukunsiderang pinakamababang international event na nilalahukan ng bansa.

Matapos magwagi ng overall championships at mag-host ang bansa sa biennial meet noong 2005, nagsimula nang bumagsak ang performance ng mga Filipino athlete mula noon pagkaraang mag-takeover ang tiyuhin ng pangulo na si Jose Cojuangco sa dating POC president na si Celso Dayrit.

Mula noong ay hindi na nakaangat ang Pilipinas sa 5th place. Tumapos itong pang-anim sa Thailand (2007),panglima sa Laos (2009), pang-anim sa Indonesia (2011), pampito sa Myanmar (2013) at pang-anim sa Singapore noong nakaraang Hunyo.

Bukod sa Pilipinas, kabilang din sa SEA Games ang Thailand, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Myanmar, Singapore, Timor-Leste at Vietnam.

Nung huling lumahok ang bansa sa Asian Games, tanging ang Filipino-American BMX rider na si Daniel Caluag ang nag-uwi ng gold medal mula sa Incheon, Korea.

“This goes to show how far we have moved in terms of developing our athletes to equal or near world class standards,” ani Escudero. “NSA leaders should be truthful with their assessment of their chances when they present their programs to the PSC. Only a few NSAs have delivered, if we are to gauge their performance in the past years, most especially in the SEA Games.”

Ayon pa kay Escudero, kailangan ding asahan ng bansa ang ating mga boksingero dahil lagi naman silang nagbibigay karangalan sa bansa pagdating sa Olympics.

“Marami nga lang nakapapansin ngayon na dati, hirap lang tayong manalo ng gold medal. Pero ngayon, nahihirapan na din tayong mag-qualify. But still, we can bank on these young athletes and hope they satiate our thirst for an Olympic gold,” ayon pa kay Escudero.

Tanging ang mga boksingero lamang na sina Mansueto Velasco at ang yumaong si Anthony Villenueva ang nagwagi ng silver medals sa Olympics habang nagsipagwagi naman ng bronze medals sina Jose Villanueva, Roel Velasco at Leopoldo Serrantes.

Ang iba pang mga Filipino medalists ay sina swimmer Teofilo Yldefonso (1928 at 1932, high jumper Simeon Torribio, at hurdler Miguel White na pawang nagsipagwagi ng bronze.

Ang archer namang si Luis Gabriel Moreno ay nanalo ng gold medal noong isang taon sa Youth Olympic Games (YOG) sa Nanjing, China. (MARIVIC AWITAN)