Inaalam na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung may pananagutan ang recruitment agency at employer ng isang Pinoy household service worker (HSW) na umano’y nakaranas ng pagmamalupit sa Singapore.

Sa panayam, sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na nakikipag-ugnayan na siya sa Philippine Embassy at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Singapore upang alamin ang tungkol sa umano’y pagmamaltrato kay Thelma Oyasan Gawidan.

Inihayag ni Cacdac na ipinatawag na niya ang recruiter ni Gawidan, na nagpadala sa kanya sa Singapore noong 2013, upang matukoy kung nagpabaya ito sa tungkulin na proteksiyunan ang kapakanan ng naturang OFW habang nasa ibang bansa.

Ito ay matapos maghain ang 40-anyos na si Gawidan ng kaso laban sa kanyang mga employer, ang mag-asawang Lim Choo Hong at Chong Sui Foon, sa korte sa Singapore.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa pagdinig sa korte, isinalaysay ni Gawidan na hindi lamang siya ginutom at hindi pinasuweldo ng kanyang mga employer kundi kinumpiska rin ng mga ito ang kanyang cell phone.

Samantala, kinondena ni Susan Ople, pangulo ng Blas F. Ople Center, ang umano’y pang-aabuso kay Gawidan kasabay ng apela sa POEA at Bureau of Immigration (BI) na ilagay sa blacklist ang mag-asawang Singaporean. (Samuel P. Medenilla)