Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kasado na ang upgraded version ng contingency plan nito kapag may kalamidad na tinaguriang “Oplan Metro Yakal Plus”, na saklaw din ang mga lugar sa paligid ng Metro Manila.
Sinabi ni Corazon Jimenez, MMDA general manager, na kasama na rin sa plano ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil maraming lugar ang posibleng maapektuhan ng tinaguriang “The Big One,” o malakas na lindol na dulot ng paggalaw ng fault line sa Metro Manila.
“MMDA started the contingency plan but with the upgraded version, we have protocols which everybody, especially agencies, can see,” pahayag ni Jimenez.
Nakasaad sa Oplan Metro Yakal Plus kung ano ang gagampanan ng mga ahensiya kapag nangyari ang kinatatakutang 7.2-magnitude earthquake sa Metro Manila.
Hinikayat din ni Jimenez ang mga lokal na opisyal, negosyante, at non-government organization na palawakin ang kaalaman ng mamamayan hindi lamang hinggil sa plano kundi maging sa mga multi-hazard map na nagbibigay ng komprehensibong impormasyon tungkol sa mga kalamidad.
Ang mga mapa ay ipinagkaloob nang libre ng gobyerno ng Australia at ng United Nations Development Programme (UNDP), aniya.
Sa Hulyo 30, 2016 ay muling magsasagawa ang gobyerno ng earthquake drill upang mapabuti ang plano sa maayos na komunikasyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kapag may nangyaring kalamidad sa Metro Manila.
(Anna Liza Villas-Alavaren)