Nagbabala kahapon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa inaasahang pagtindi pa ng lamig na nararanasan sa Metro Manila at sa iba pang karatig-lugar sa bansa.
Sinabi ni weather specialist Samuel Duran ng PAGASA, naranasan ng Metro Manila ang pinakamalamig na temperatura ngayong buwan nang maitala ang 20.5 degrees Celsius nitong Disyembre 3.
Umabot naman sa 14.2 degrees Celsius ang klima sa Baguio City noong Disyembre 18.
Ayon sa PAGASA, tatagal pa hanggang Pebrero ng susunod na taon ang malamig na klima sa bansa na dulot ng northeast monsoon na pinaigting ng hanging nagmumula sa Siberia at mainland China.
Huling naramdaman ang pinakamalamig na temperaturang 14.9 degrees Celsius sa National Capital Region (NCR) noong Marso 1, 1963.
Inihayag din ng ahensya na asahan pa rin ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Aurora at Quezon, Isabela at Bicol dahil sa tail-end ng cold front kahit wala pang namamataang sama ng panahon sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Posible aniyang maging dahilan ng pagbaha at pagguho ng lupa ang mga nasabing pag-ulan.
Makararanas din ng pag-ulan ang NCR at iba pang kalapit na lugar nito sa Luzon bunsod na rin ng hanging amihan.
(ROMMEL P. TABBAD)