Matapos ang 42 taon, nabawi ng Pilipinas ang prestihiyosong titulo nang koronahan si Pia Alonzo Wurtzbach bilang 2015 Miss Universe sa tatlong oras na pageant na niyanig ng kontrobersiya dahil sa maling pagpapahayag ng event host sa nanalong contestant.
Laking gulat ni Wurtzbach, 26-anyos at tubong Cagayan de Oro City, nang bumalik sa entablado ang television host at comedian na si Steve Harvey para bawiin ang una nitong inihayag na si Miss Columbia Ariadna Gutierrez Arevalo ang nagwagi ng prestihiyosong titulo.
Ngunit makaraan ang ilang minuto ay bumalik si Harvey sa entablado upang aminin na mali ang kanyang pagkakabasa sa winners’ card at ang totoong itinanghal ng mga hurado na 2015 Miss Universe ay ang Fil-German beauty.
Ilang ulit pang ipinakita ni Harvey ang card sa television camera na roon nakasaad na ang pambato ng Pilipinas ang 2015 Miss Universe; Columbia, first runner up; at USA, second runner up.
“I am taking responsibility for my mistake,” inihayag ni Harvey sa libu-libong nanood sa Planet Hollywood in Las Vegas.
Umakyat si reigning Miss Universe Paulina Vega upang pakalmahin si Arevalo kasabay ng pagbawi ng korona mula sa kapwa niya Columbian.
Nangibabaw ang kagandahan at talino ni Wurtzbach sa 79 na iba pang kandidato mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hindi rin maipinta ang mukha ni Pia nang ihayag na siya ang talagang nanalo bilang Miss Universe.
Siya ang ikatlong Pinay na nakasungkit sa titulo, kasunod sina Margie Moran noong 1973, at Gloria Diaz noong 1969.
(ROBERT R. REQUINTINA)