Maglilibot para mag-inspeksiyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng bus terminal sa Metro Manila matapos itong makatanggap ng mga reklamo tungkol sa umano’y pang-aabuso ng mga konduktor ng bus, partikular ngayong Pasko.
Sinabi ni LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton na iikutin nila ang lahat ng terminal para alamin ang katotohanan tungkol sa mga reklamo na sobra umano ang pasahe na sinisingil ng mga konduktor.
Sisiyasatin din kung maayos ang kondisyon ng mga bus para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, lalo na ang mga magbabakasyon o magdaraos ng Pasko at Bagong Taon sa mga lalawigan.
Dapat ding matiyak kung ang mga driver ng bus ay hindi puyat habang naka-duty at hindi nakainom ng alak o nakagamit ng ilegal na droga para maiwasan ang aksidente.
Naglagay din ng mga poster sa loob ng mga bus at mga bus terminal na nagpapaalala sa mga driver at mga pasahero kaugnay ng kanilang kaligtasan.
Magbabantay din ang LTFRB laban sa mga taxi driver na namimili at nangongontrata ng pasahero.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order, ang sinumang namimili o nangongontrata ng pasahero ay pagmumultahin ng P5,000 at posibleng makansela ang prangkisa. (JUN FABON)