Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Chinese matapos mahulihan ng limang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P15 milyon sa buy-bust operation sa Makati City noong Linggo ng gabi.

Kinilala ni NCRPO Director Chief Supt. Joel Pagdilao ang naaresto na si Xiao Min Chua, alyas “Ong”, 45, nakatira sa 5th Avenue, Caloocan City.

Dakong 9:30 ng gabi nang maaresto sa operasyon ang suspek sa parking area ng isang convenience store sa kanto ng Jupiter at M. Garcia Street sa Barangay Bel-Air.

Binentahan ng dayuhan ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Narekober pa sa loob ng nakaparadang sasakyan ng suspek ang apat na kilo ng shabu na nakabalot sa Chrismas gift bag na tinatayang nagkakahalaga ng P15 milyon at ang P1.5 milyon na marked money.

Isang buwan ang ikinasang surveillance ng awtoridad laban sa suspek, na nakakulong na ngayon sa detention cell ng DAID-SOTG at kakasuhan sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002. (Bella Gamotea)