Isang Filipina–American na nagba-balikbayan sa Cebu ang panglimang milyong turista na bumisita sa Pilipinas ngayong taon.
Ang New York-based na si Gabby Grantham, 23, ay sinalubong ng mga tourism officials sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 kahapon ng madaling araw.
“I thought I was in trouble,” sambit ng nasorpresang si Grantham, matapos siyang batiin at bigyan ng bulaklak nina Department of Tourism (DoT) Assistant Secretary Alan Canizal at Undersecretary Benito Bengzon Jr.
Ayon kay Grantham, na ang ina ay Pilipina at Amerikano ang ama, ito ang pangalawang pagbisita niya sa Pilipinas. Ang una ay noong siya ay pitong taong gulang pa lamang.
Bibisitahin ni Granthma ang kanyang lola sa Cebu at mamamasyal sa Palawan.
Sinabi ni Canizal, tatanggap si Grantham ng package tour na may hotel accommodation bilang panglimang milyong turista sa Pilipinas.
Target ng DoT ang 5.2-milyong tourist arrivals sa pagtatapos ng taon at 10 milyon sa 2016. (JUN FABON)