KAHIT laging napapanood na nakatawa at masaya, pareho palang malungkot ang childhood nina Alden Richards at Maine Mendoza. No wonder, madali silang umiyak sa mga eksena, kahit si Maine ay sa kalyeserye pa lamang ng Eat Bulaga napapanood na mag-drama.
Alam nang nagmula sa isang buena familia si Maine, at bunga naman ng mga pagsisikap ni Alden ang kinalalagyan niya ngayon. Pero nakakagulat na may itinago rin pala si Maine na hindi alam ng fans niya.
May short article si Bum Tenorio sa isang broadsheet noong Sunday, na sa pictorial nila for People Asia magazine na cover sina Alden at Maine, one minute na umiyak si Maine nang tanungin niya kung lahat ay naibigay sa kanya on a silver platter, “Saan ka nagkulang, anong bagay lamang ang hindi naibigay sa iyo?”
“TLC. Tender loving care,” ang sagot ni Maine. “Iyon po ang hindi naibigay sa akin, kulang po ako sa atensiyon noong bata pa ako. Affected po ako kapag ang parents ko, my siblings, about my relationship with them ang pinag-uusapan. But slowly, I am getting used to their attention now. I thank the Lord for this opportunity for my family and me to become close. Ito na po ang tamang panahon to make things right, little by little.”
Pareho sila ni Alden na may lonely childhood dahil maaga namang pumanaw ang ina nito, kaya may pagkaiyakin din si Tisoy. Tulad nitong nakaraang Linggo, todo-iyak si Alden sa Sunday Pinasaya nang sorpresahin siya ng GMA Records at PARI sa iginawad na Double Platinum award para sa album niyang Wish I May na bumenta na ng more than 30,000 units.
Inamin ni Alden, na may fever nang araw na iyon, na kahit pagod na siya sa marami niyang ginagawa, ang ganitong accomplishment ay muling nakapagpapasaya at nakakaalis sa kanyang pagod. Kailan nga lamang na kahit hindi pa nari-release officially ang first album niya sa GMA Records, nakakuha na ito ng Gold award sa iTunes, after two weeks, Platinum na at ngayon Double Platinum na, kaya hindi kataka-taka na maiyak siya sa tuwa.
Kinagabihan, sa last leg ng promo ng My Bebe Love #KiligPaMore sa SM North EDSA Skydome, umiyak din si Alden sa fans nang hindi siya makadalo para samahan sina Ai Ai delas Alas, Valeen Montenegro, Jose Manalo at baes ng Eat Bulaga. Tumawag siya sa telepono at nag-sorry sa fans. Hindi na kinaya ni Alden ang pagod, puyat at lagnat.
Simula pa pala kasi noong Thursday na may early flight sila sa Cebu, then sa Davao, balik sa EB noong Sabado, tuluy-tuloy hanggang Linggo ang trabaho ni Alden. First time iyon na hindi nakasipot si Alden sa kanyang commitment.
Samantala, bukas na, December 23, ang Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival na ang assembly point ay sa Block 20 ng Mall of Asia Grounds, at 1:00 PM. Doon maiipon ang floats ng mga kasali sa festival: #WalangForever, Nilalang (The Entity), All You Need is Pag-ibig, Haunted Mansion, My Bebe Love #Kilig Pa More, Honor Thy Father, Beauty and The Bestie at Buy Now Die Later.
Mula sa MOA ground, lalabas ang parade sa Roxas Blvd, tuuy-tuloy ito hanggang sa Quirino Grandstand sa Luneta.
(NORA CALDERON)