ANG Christmas carol na ‘Silent Night,’ ay naisaplaka na ng halos 300 artistang mang-aawit na ang bawat bersiyon ay naging patok. Halimbawa na lamang sina Bing Crosby, Mahala Jackson, Elvis Presley, Perry Como, Christina Aguilera, Connie Francis at iba pang kilalang mang-aawit na yumao na. Ang mga record ng awiting ‘Silent Night,’ ay naisalin na rin sa mga cassette tape at compact disc (CD), at nasa YouTube na rin. May lyrics na magsisilbing gabay at may instrumental din tulad ng gitara, piano, biyulin at mga orchestra. May choral recording din ang nasabing awitin ng mga choir sa Ireland, America, Italia at iba pang bansa tulad ng King’s College Choir, Vienna Boys Choir, Celtic Women at iba pang pangkat ng mga mang-aawit.

Sa iniibig nating Pilipinas, ang ‘Silent Night,’ ay naisaplaka na rin ng mga kilalang recording artist at choir.

Kasama ito lagi sa kanilang Christmas album at iba pang awiting pamasko tulad ng ‘O Come All Ye Faithful,’ ‘Hark the Herald Angels Sing,’ ‘Joy To the World,’ at marami pang iba. Ang Tagalog version naman ng ‘Silent Night,’ ay may pamagat na ‘Ang Gabi’y Tahimik,’ at ito’y inawit ng mga kilalang mang-aawit at Hari ng Kundiman na sina Ruben Tagalog, Cely Bautista, Ric Manrique, Jr. Sylvia La Torre, Nora Hermosa, Rita Rivera, Rey Lucero , Ador Torres, Noel Samonte, Don David at iba pang bumubuo ng Mabuhay Singers. Sila ang mga recording artist ng Villar Record ni Don Manuel Villar. Ang kanilang mga awit ay maituturing na mga hiyas ng musikang Pilipino

Maging sa “Christmas Memories” at “Christmas Carol” na mga awiting pamasko na isinaayos ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro ay kasama ang ‘Silent Night’.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Christmas Festival na isinaayos ng American music composer na si Leroy Anderson, ang ‘Silent Night,’ ay bahagi ng mga tugtuging pamasko.

Ang mga nabanggit na salaysay ay masasabing bahagi ng nagawa at naiambag ng imortal na Christmas carol na ‘Silent Night’. Ang mga titik nito ay nagmula sa mayamang imahinasyon ng isang mabait na alagad ng Simbhan na si Father Joseph Mohr. Ang musika ay binuo ng isang music composer na si Franz Xaver Gruber na hindi kilala sa kanilang bayan at nang malapatan ito ng musika noong bisperas ng Pasko ng Disyembre 24, 1818, walang kilalang celebrity na umawit ng ‘Silent Night’. Ngunit ang makapangyarihang mensahe ng makalangit awiting ito ay tinawid ang lahat ng hangganan at pagkakaiba ng mga wika sa buong daigdig.

Sa puso at damdamin ng mga Kristiyano sa lahat ng dako ng mundo, ang mga titik at malumanay na himig nito ay nananatiling pinakatanyag at imortal na awiting pamasko. (CLEMEN BAUTISTA)