Hindi napigilan ng malamig na ambon at hangin ng Bagyong Onyok ang kabataan at pamilya na madalas sumali at makilahok sa libreng inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) na PLAY ‘N Learn, Laro’t-Saya sa Parke Linggo ng umaga matapos na makisaya sa iba’t-ibang laro sa Burnham Green sa Luneta Park.

Umabot pa rin sa kabuuang 537 katao ang nagpartisipa sa grassroots sports development program na ini-endorso mismo ng Palasyo ng Malakanyang para sa family bonding, community physical fitness at social activity bagaman paunti-unti ang pagpatak ng ulan at madalas ang pag-ihip ng malamig na hangin.

“Talagang sinusundan at regular sila na pumupunta sa ating Luneta Park para mag-exercise,” sabi ni PSC Research and Planning head Dr. Lauro Domingo Jr. “Minsan, sila na mismo ang nagpopost sa ating Facebook page na sana ay tuloy-tuloy na ang programa at nagtatanong kung saan lugar gaganapin,” sabi pa ni Domingo.

Samantala, pito katao ang nagpaturo ng arnis, 13 ang sumali sa badminton, may 34 ang naglaro ng chess, 39 ang sumabak sa football, 4 ang nakilahok sa karatedo, 7 ang nagpaturo ng lawn tennis, 24 ang nakisaya sa volleyball, 403 ang nakisayaw sa zumba at may 6 na senior citizen na nakisaya sa mga kabataan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinimulan din kahapon ang rehistrasyon para sa culminating activity ng programa na zumba marathon na gaganapin sa Disyembre 27 simula 5:30 hanggang 8:00 ng umaga. Maliban sa zumbathon ay magsasagawa din ng mini-tournament sa chess, volleyball at football.

Paglalabanan sa zumbathon ang dalawang age categories na para sa 18-40 years old at 41-55 years old.

Nakataya ang premyo sa Top 5 sa male at female division kung saan ang kampeon ay may P2,000; ang ikalawa ay P1,500 at ikatlo ay P1,000 ang premyo. Mayroon din P500 sa ikaapat at ikalima sa dalawang dibisyon.

Bibigyan din ng P500 premyo ang mapipili sa Special Awards na Best in Costume at Wackiest Dancer habang may ipapamigay din na 50 raffle prizes.

Hindi na din isinali ang mga zumba/aerobics instructors sa mga hotel gym at kasama sa Luneta, Quezon City circle, PICC Complex at iba pang lokasyon na nagsasagawa ng mga aktibidad.

Una naman nakansela ang mga aktibidad sa Imus at Kawit, Cavite, Quezon Memorial Circle at Paranaque noong Sabado bunga ng patuloy na pagbagsak ng malakas na ulan.