Ni BELLA GAMOTEA
Mahigpit na ipatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na isinailalim sa state of national calamity.
Nagbabala ang DTI sa mga negosyanteng mahuhuling magsasamantala na papatawan sila ng multang P5,000 hanggang P1 milyong piso, alinsunod sa itinatakda ng Price Act.
Ayon sa ahensiya sakop ng price freeze order ang mga pagkaing de lata, noodles, kape, asukal, gatas, bigas, bottled water at iba pa.
Ipinaliwanag ng DTI na awtomatikong walang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na ideklarang nasa “state of national calamity.”
Nag-isyu si Pangulong Benigno S. Aquino III ng Proclamation No.1186 noong Disyembre 18 na nagdedeklara ng state of national calamity sa Visayas at Bicol regions matapos ang paghagupit ng bagyong “Nona.”
Matinding pininsala ng bagyo ang mga probinsiya ng Albay, Sorsogon, Northern Samar, Oriental Mindoro at Romblon.
Layunin ng ng deklarasyon na pabilisin ang hakbangin sa rescue, recovery, relief at rehabilitation na isinasagawa ng pamahalaan at ng pribadong sektor upang ayudahan ang mga apektadong mamamayan.