NATUKOY sa fourth quarter survey ngayong taon ng Social Weather Stations (SWS) ang pagbaba ng net satisfaction rating ni Pangulong Aquino sa +32, mula sa third quarter net rating niyang +41. Ang +32 ay ikinokonsidera pa ring “good” ng SWS, ngunit ang katotohanan ay nagkaroon ng siyam na puntos na pagbaba mula Setyembre hanggang Disyembre.
Ang reaksiyon ng Malacanang sa balitang tulad nito, gaya ng dati, ay hindi ito magpapaapekto at patuloy lang na magpupursige para maibsan ang kahirapan, dumami ang trabaho, at mapaunlad pa ang ekonomiya. Tinukoy din ng tagapagsalita ng Palasyo ang nababawasang kawalan ng trabaho sa bansa, na bumaba na ngayon sa 5.7 porsiyento; ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) sa anim na porsiyento; at ang pakikinabang ng 1.4 milyong pamilya sa Conditional Cash Transfer program.
Pawang positibo ang estadistika, ngunit napatunayan nang wala naman itong halaga sa publiko. Ang mahalaga ay ang personal nilang sitwasyon at karamihan sa kanila ay hindi nakikinabang sa kahanga-hangang bilang ng nagkakaroon ng trabaho, sa GDP, at sa CCT—na minsan nang tinawag na “statistical prosperity.”
Sinabi ng isang political analyst na ang pagbaba ng net satisfaction rating ng Pangulo ay dahil sa katotohanang paalis na siya sa puwesto—isang “lameduck.” Nagawa na niya ang lahat ng kaya niya para sa bansa, at bagamat itinuturing siyang tapat at kapuri-puri ang paglago ng GDP ng bansa, nananatiling marami ang mahihirap na Pilipino. Karamihan sa kanila ay sumagot sa survey at sila rin ang magsisiboto sa 2016.
Minsan nang sinabi ng Pangulo na ang eleksiyon ang magsisilbing referendum ng kanyang administrasyon. Gayunman, batay sa mga huling survey sa mga kandidato sa pagkapangulo, ang kanyang personal na ineendorso—si Mar Roxas ng Liberal Party—ay halos kulelat sa listahan.
Dapat na baguhin ni Roxas ang estratehiya ng kanyang kampanya—mula sa pagpapatuloy ng “Daang Matuwid” ng kanyang hahalinhan, gaano man kahusay ang mga programa ng gobyerno—upang mabatid ng mamamayan kung ano ang magiging administrasyong Roxas. Natural lang na umasam ang mamamayan at sa anumang eleksiyon, punumpuno sila ng pag-asa kung ano ang magagawa para sa kanila at para sa bayan ng susunod na leader ng bansa.