Hiniling ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya na magtalaga ng karagdagang tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang matulungan ang mga dumadagsang pasahero ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Marcos, vice presidential candidate ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), makatutulong ang karagdagang kawani ng NAIA sa mga biyahero na nagtitiis sa mahabang pila sa mga immigration counter at baggage claim area.
“Bukod dito, nandiyan pa ang matinding trapik papasok at palabas ng airport at hindi dapat nila danasin ito. Dapat tiyakin ng airport authorities na hindi nahihirapan ang ating mga kababayan sa kanilang pagtungo sa airport,” paliwanag ng senador.
Inaasahan ng Maniila International Airport Authority (MIAA) na lolobo pa ang bilang ng mga pasahero ngayong linggo ng halos 10 porsiyento o 300,000 karagdagang biyahero mula sa 1.6 million arrival at 1.4 million departure nitong nakaraang taon.
Sinabi rin ni Marcos na hindi sapat na nakaalerto ang mga empleyado at pulisya ng airport mula Disyembre 15 hanggang Enero 5 kung hindi rin sila makatutulong sa mga pasahero.
Sinabi ni Marcos na nakatatanggap siya ng mga reklamo na hindi binubuksan ang ibang gate ng airport terminal sa peak hours at may mga pagkakataon na isang baggage scanner lamang ang gumagana sa hatinggabi.
Sinabi ng senador na ito ay nagiging dahilan ng pagkakaantala sa pag-alis at pagdating ng mga pasahero.
“Kung gagampanan lang ng mga airport official ang kanilang trabaho, hindi na dapat silang pinaaalahanan sa kanilang misyon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga biyahero,” giit ni Marcos. (Mario Casayuran)