Malapit nang makapaghain ng petisyon gaya ng pleading at memoranda sa Energy Regulatory Commission (ERC) sa pamamagitan ng Internet, inihayag ni Jose Vicente Salazar, chairman ng ERC.
Ayon kay Salazar, pinagsisikapan nilang maging IT-enabled at highly computerized ang ahensiya upang maging kumbinyente para sa mamamayan ang pakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Sinabi Salazar na nagpaabot ng kahandaan ang World Bank na tumulong sa proyekto sa teknikal na aspeto.
Aniya, magpapadala ang WB ng technical expert gaya ng IT, regulatory at procurement upang umagapay sa pagtaya ng kabuuang halaga ng proyekto, na inaasahang matatapos sa Enero ng susunod na taon.
Binanggit nito na walang problema sa hardware at pagtutuunan na lamang nila ang pagbili ng software para sa proyekto.
Naunang inihayag ni Salazar na kanyang babalasahin ang mga opisyal at kawani ng ahensiya at mangangailangan sila ng karagdagang empleyado upang maipatupad ang kanilang misyon.
Kabilang sa mga rekomendasyon ni Commissioner Geronimo Sta. Ana ang pagsasamahin bilang isang departamento ang dalawa o tatlong tanggapan at ang hepe ng mga ito ang direktang mag-uulat sa Office of the Chairman.
“We hope that we will get the right people to work with,” wika ni Salazar.
Aniya, aabot sa 250 katao ang kukunin nila ang serbisyo. (Mac Cabreros)