BINUKSAN ni Pope Francis kamakailan ang simbolikong “Holy Door” para sa mga kinukutya ng lipunan, sa pagsisimula ng espesyal na Jubilee Year ng Simbahang Katoliko.
“The roads of vanity, of conceit and pride are not those of salvation,” sinabi ng Papa sa libu-libong mananampalataya, kabilang ang mga tinalikuran na ng lipunan, na nagtipun-tipon sa isang center ng Christian charity na Caritas.
“Where there are those excluded from society, there is Jesus,” sinabi ni Pope Francis sa center, malapit sa abalang terminal ng tren ng Termini sa Rome.
Ginawa ng Papang Argentinian ang simbolikong seremonya ng pagbubukas ng salaming pintuan ng pasilidad habang sinasambit ang ilang siglo nang direktiba: “This is the door of the Lord. Open to me the gates of justice.”
Ito ang parehong mensahe na binanggit niya noong nakaraang linggo nang buksan niya ang “Holy Door” ng St. Peter’s Basilica sa pagsisimula ng isang pambihirang Jubilee Year of Mercy.
Ipinanawagan ni Pope Francis ang Jubilee, na magtatagal hanggang sa Nobyembre 20, 2016, upang baguhin ang pananaw ng mga mananampalataya, ng mga dating Katoliko, at ng buong mundo tungkol sa Simbahan.
Sa hakbanging nagbibigay-diin sa hangaring ito, inihayag ni Francis noong Setyembre na para sa buong panahon ng Jubilee, pagkakalooban ang mga pari ng espesyal na tungkulin upang patawarin ang mga babaeng nagpalaglag ng kanilang sanggol.
Bukod dito, may 800 pari sa iba’t ibang panig ng mundo ang itatalagang “missionaries of mercy” na hihimok sa mas maraming mananampalataya na humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan o magkumpisal.
Isinusulong ni Pope Francis ang isang hindi mapanghusga at labis na maunawaing Simbahan, na tinutulan ng maraming traditionalist na tumatangging maging malamya sa pagsasakatuparan ng mga turo tungkol sa maiinit na usaping gaya ng homosexuality, diborsiyo, at pagsasama ng mga hindi kasal.
Simula noong Disyembre 8, nang buksan niya ang mga pintuan ng basilica, mahigit 2,000 iba pang pintuan ang binuksan din sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang bahagi ng pandaigdigang seremonyang Katoliko. - Agence France Presse