Nabigo si two-time world title challenger Jether Oliva ng Pilipinas na makapasok sa world ranking nang matalo ito ni dating IBF super flyweight champion Zolani Tete sa 12-round unanimous decision kamakalawa ng gabi sa East London, South Africa.

Pinag-aagawan ng dalawang boksingero ang titulo sa bakanteng WBO Africa 11 pounds title.

Tinangkang sabayan ni Oliva ang mabibilis at matutulis na jabs ni Tete ngunit nanaig pa rin sa puntos ang South African sa mga iskor na 120-107, 120-107 at 120-108.

Sa panalo, tiyak na aangat si Tete sa world rankings lalo’t nakalista siyang No. 6 sa WBC at No. 12 sa WBA sa super flyweight rankings.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ito ang ikalawang pagkatalo ni Oliva sa South Africa matapos matalo sa kontrobersiyal na 12-round split decision ni Moruti Mthalane para sa bakanteng IBO flyweight crown noong nakaraang Marso 15, 2014 sa Durban International Convention Centre sa Durban, KwaZulu-Natal.

Sa undercard ng laban, natalo sa puntos si WBC International bantamweight champion at WBO No. 13 contender Ernesto Saulong kay Lwandile Sityatha na natamo naman ang bakanteng WBO International 118 pounds title.

Si Sityatha rin ang umagaw sa IBO super flyweight crown ng Pilipinong si Edrin Dapudong sa kontrobersiyal na 12-round split decision noong Hulyo 18, 2014 sa Eastern Cape, South Africa.

Unang naipagtanggol ni Sityatha ang korona sa kontrobersiyal na namang 12-round split decision sa Pinoy boxer ding si Michael Dasmarinas noong Disyembre 13, 2014 sa parehong lugar bago umakyat sa bantamweight division. - Gilbert Espeña