DUMARAMI na ang nagrereklamo laban sa Mitsubishi. Kasi, ang nabili nilang Montero nito ay pahamak. Hindi lamang ang mga nakabili at gumamit nito ang inilagay sa panganib kundi maging ang mga nakasabay o malapit dito. May mga pinatay na nga ito at sinirang ari-arian. Hindi mo kasi alam kung kailan ito susumpungin ng sakit nito na kung tawagin ay sudden unintentional acceleration.
Kikilabutan ka sa nangyari sa huling nagreklamo na si Mrs. Okray. Wika niya, nasa paradahan daw sila sa itaas ng mall nang bigla itong umarangkada nang mabilis pababa. “Mabuti na lang,” sabi niya, “nagabayan ko ito habang bumababa hanggang sa tumawid kami sa kalsada.” Tumigil lang daw ang sasakyan nang bumunggo ito sa puno ng arko. May ilan taon na pala nilang ginagamit ang sasakyan at bago ang insidente, eh, ipinaayos pa nila ito.
Dininig kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pinagsamang reklamo ng mga nagmamay-ari ng problemadong Montero. Nauna rito, nagbabala ang DTI sa publiko na huwag munang bumili ng Montero habang dinidinig nito ang kaso. Wala rin namang naging bunga ang pagdinig ng DTI. Kailangan daw nito ang isang eksperto na patas at walang kinikilingan na titingin sa computer na nagpapatakbo sa sasakyan. Pansamantala, bahala na raw ang publiko kung bibili sila ng Montero. Ano ngayon ang proteksiyong inaasahan sa gobyerno hindi lamang ng mga nagmamay-ari ngayon ng Montero kundi iyong publiko sa pangkalahatan? Bibilang pa ng buwan bago makakuha ng eksperto para matuldukan ang mga reklamong nakasampa sa DTI. Sana hindi makakaapekto sa kapakanan ng sambayanan ang ginawang pagdalaw ni Pangulong Noynoy sa pasinaya ng planta ng Mitsubishi sa Laguna sa halip na salubungin niya ang bangkay ng SAF 44 nang ilapag ang mga ito sa Nichols Air Base.
Ang pag-aalburoto ng Montero ay maliit na problema lamang kumpara sa Oil Deregulation Law. Kung may ipinakikitang malasakit ang gobyerno, kahit kunwari lamang, sa mga nagrereklamo laban sa Mitsubishi, wala naman sa taumbayan na mula’t sapul ay nagrereklamo sa pagtaas ng mga batayang pangangailangan at bilihin sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Ang totoo, ipinaubaya ng gobyerno ang kapakanan ng sambayanan sa mga dambuhalang kumpanya ng langis. Animo ay inihagis nila ang tao sa karagatan na pinamumugaran ng buwaya. Bahala na ang tao kung paano niya bubuhayin ang kanyang sarili sa gitna ng nakaambang panganib. (RIC VALMONTE)