Binatikos ng isang grupo ng mga artisa ang umano’y harassment ng military sa kanilang mga kabaro, na pinaghihinalaang tagasuporta ng mga Lumad na nakararanas ng panggigipit ng mga awtoridad sa Mindanao, nitong mga nakaraang linggo.
Sinabi ni Archie Oclos, isang visual artist na kabahagi ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA) na ipinarating nila ang kanilang reklamo sa Philippine National Police (PNP) subalit hindi umano ito inaksiyunan.
Ikinuwento ni Oclos na siya ang kanyang girlfriend ay binubuntutan ng mga military intelligence agent at isinailalim sa interogasyon. Aniya, mayroon ding mga pagkakataon na siya ay kinunan ng larawan ng militar.
Bukod dito, inuulan din ng tawag sa telepono ang kanilang pinagtatrabahuhan ng hindi kilalang kalalakihan na nagtatanong ng kung sari-saring detalye.
Ang KARATULA ay isang organisasyon na binubuo ng mga kabataang artista sa bansa na nagsusulong sa maka-militante at progresibong sining.
Sinabi ni Michael Beltran, chairman ng KARATULA, hindi dapat palampasin ang umano’y pangha-harass ng militar sa kanilang hanay dahil lamang sa kanilang pakikibaka para sa kapakanan ng mga Lumad sa Mindanao.- Chito A. Chavez