Nakumpiska ng pulisya ang may 130 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na ide-deliver sana sa Metro Manila mula sa isang hinihinalang plantasyon sa Benguet.

Ayon kay Chief Supt. Victor Deona, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hinarang ng kanyang mga tauhan ang van sa North Luzon Expressway (NLEX), sa bahagi ng Balintawak, dakong 8:30 ng umaga kahapon.

“Halos punumpuno ‘yung van ng dried marijuana leaves. Siguradong for distribution ‘yun dito sa Metro Manila,” sinabi ni Deona sa may akda.

Ang driver ay kinilalang si Moises Simsim, na may kasamang isang 16-anyos na lalaki, na pinaniniwalaang anak nito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Deona na ang operasyon ay batay sa tip ng isang taga-Benguet tungkol sa pagde-deliver sa Metro Manila ng daan-daang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana.

“Binuntunan ng ating mga operatiba ang target vehicle mula sa La Trinidad, Benguet hanggang sa Balintawak sa Quezon City,” ani Deona.

Napilitang sumuko si Simsim matapos na pilitin siya ng mga operatiba ng CIDG, at ilang tauhan ng Highway Patrol Group (HPG), na pahintuin ang van.

“Dagdag kaso sa kanya (Simsim) ito kasi gumagamit siya ng menor de edad sa ilegal niyang aktibidad,” ani Deona.

Dinala na sa tanggapan ng CIDG-National Capital Region sa Camp Crame sa Quezon City ang 130 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana para sa imbentaryo. Nabatid na ang bawat kilo ng marijuana ay nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P110,000. (AARON RECUENCO)