Susubukan ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) na makasungkit ng silya kahit mahirap ang tsansa at gabuhok ang pagkakataon na makapagkuwalipika sa gaganapin na 2016 Rio De Janiero Olympics.

“We are actually looking for the 2020 Tokyo Olympics,” sabi ni TRAP president at Philippine Olympic Committee (POC) chairman Tom Carrasco Jr. “We had our qualifying chances but are very slim. We will try in joining the Rio qualifier in the hope of exposing our athletes and then to test the level of the competition,” sabi pa ni Carrasco.

Plano ni Carrasco na ipadala ang natatangi nitong pinakamahusay na apat na atleta sa isang high-performance training sa Portugal bago ang buwan ng Abril upang paghandaan ang krusyal na Asian Triathlon Cup sa Abril 16 sa Subic at ang qualifier na Asian Championships na gaganapin naman sa Japan sa Abril 30.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Only the champion in the men’s and women’s category will qualify to the Rio Olympics kaya mahirap talaga at masyadong mabigat ang chances natin,” sabi pa ni Carrasco.

“Yung training program kasi nila ngayon, for the 2020 Olympics. We are still trying to qualify for next year’s Olympics, pero there’s a very slim chance,” said Carrasco. “We still have to land in the top 5 in the Asian level, pero malapit na tayo dun,” he added.

Napili naman ng TRAP ang apat na ipadadalang atleta na sina 28th SEA Games women’s triathlon gold medalist Claire Adorna at silver medalist Kim Mangrobang at ang men’s gold medalist d Nikko Huelgas upang isailalim sa programa na pamumunuan ng mahuhusay na coaches mula sa International Triathlon Union (ITU).

Kasalukuyan pang pinagdedesisyunan kung sino kina Jonard Saim at Edward Macalalad ang pupuno sa ikaapat na puwesto sa pambansang delegasyon.

“It’s a toss-up between Saim and Macalalad. Ang gusto ko sanang ipadala ay lima dahil sila ang five best triathletes so far, pero para sa apat lang ang budget na nahingi natin,” sabi ni Carrasco.

Una nang nagbunga ang pagpapadala ng TRAP sa high-level training camp ng kinaaaniban nitong ITU matapos na magawa nina Adorna, Mangrobang at Huelgas na magwagi ng tatlong medalya sa ginanap na 28th Southeast Asian Games sa Singapore nito lamang Hunyo.

Nagsanay sina Huelgas at Mangrobang sa training camp sa Portugal sa kanilang paghahanda sa SEA Games habang si Adorna ay nagsanay naman sa Gold Coast sa Australia.

Asam naman ng TRAP na makakuha ng mga kinakailangang puntos ang apat na atleta sa malalaking torneo upang mas mapalaki ang kanilang tsansa na awtomatikong makapagkuwalipika at makapaghanda ng matagal para sa asam na pagsabak sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.

“We still have to land in the top 5 in the Asian level,” sabi ni Carrasco. “Malapit na tayo dun,” sabi pa nito.

Si Adorna ay kasalukuyang nasa No. 7 sa pangkalahatang ranking sa Asia habang si Mangrobang ay nasa No. 9. Si Saim ay nasa ika-10 naman habang si Huelgas ay ika-11 sa kalalakihan. (ANGIE OREDO)